Mga Pinoy, hinimok ng DOH na kumpletuhin na ang kanilang bakuna laban sa COVID-19
Hinimok ng health officials ang mga Pinoy na hindi pa nababakunahan o hindi pa nakapagpapa-booster, na magtungo sa iba’t-ibang vaccination sites para makapagpabakuna, mula March 10 – 12, ang ika-apat na bahagi ng “National Vaccination” campaign ng pamahalaan.
Target ng Pilipinas na makapagbakuna ng 1.8 milyon pang mga Filipino para sa Part 4 ng National Vaccination days.
Umapela si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III sa publiko, na samantalahin ang national vaccination days para makapagpabakuna, kahit na bumababa na ang kaso ng Covid-19 sa bansa.
Aniya . . . “Ako po ay muling nananawagan sa atin pong mga kababayan: Tara na po, magpabakuna na po tayo. Samantalahin na po natin itong programa ng ating national and local governments. Ito po ay talagang nakakapagbigay ng proteksyon para sa inyo, para sa inyo pong mahal sa buhay, para po sa inyong mga kamag-anak, para po sa inyong mga kaibigan, kamag-aral, ka-opisina ay kinakailangan po na pagkaisahan po natin na maabot ang ating pinupuntiryang otsenta porsiyento ng ating populasyon.”
Aminado si Health Undersecretary Myrna Cabotaje na parang naabot na ng bansa ang vaccination saturation point, kaya bumababa ang vaccination turnout.
Ang bansa ay nakapagbakuna na ng 71 porsiyento ng target nitong populasyon.
Hanggang noong March 9, mayroon nang 64 na milyong Pinoy ang ganap nang bakunado.
Ang bansa ay nakapagbigay na ng kabuuang 137 million vaccine doses.
Target ng gobyerno na maging ganap nang bakunado ang hindi bababa sa 90 milyong mga Filipino sa pagtatapos ng June ngayong taon.
Sinabi ni Duque, na para sa fourth phase ng national vaccination days, prayoridad nila ang A2 sector o mga nakatatanda. Target din nila ang mga rehiyon na may mababang vaccine coverage. Ito ay ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Region 7 o Central Visayas, Region 12 o SOCCSKSARGEN, at Region 4-B o MIMAROPA region.