Mga Pinoy, matamlay ang suporta sa pagpapalit ng Pilipinas sa Maharlika
Dapat umanong dumaan muna sa konsultasyon ang panukalang palitan ang pangalan ng Pilipinas.
Ayon kay COOP-NATCO Partylist representative Anthony Bravo, dapat hindi lang ang Kongreso ang nag-uusap kundi kasama ang taongbayan para matiyak na sila ay pabor o tutol sa panukala.
Aniya, isasabay nila sa kampanya ang konsultasyon sa ating mga kababayan para makuha ang kanilang pulso at kung katanggap-tanggap ba ang pagbabago ng pangalan.
Anthony Bravo:
“Kung ngayon naman gagawin ang referendum sa pagpapalit ng pangalan ng bansa tila malabo itong suportahan ng karamihan sa ating mga kababayan”.
Una rito, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang bumuhay sa panukalang palitan ang pangalan ng Pilipinas sa maharlika.
Aminado ang Malakanyang na sa pagpapalit ng pangalan ng Pilipinas ay kailangan ng bagong batas at kailangan din ng pag-apruba ng taongbayan sa pamamagitan ng isang referendum.
Ayon naman sa ilang mga Pinoy, wala silang nakikitang dahilan para baguhin pa ng gobyerno ang pangalang Pilipinas.
Anila, nakagisnan na ng mga Filipino ang Pilipinas at wala silang nakikitang dahilan upang ito ay baguhin pa ng gobyerno.
Mababaw umano ang dahilan na may colonial origin ang Philippines na ipinangalan ng Spanish colonizers na hango sa pangalan ni King Philip II.
Ulat ni Eden Santos