Mga Pinoy sa NYC, muling pinaalalahanan na mag-ingat dahil sa patuloy na naitatalang kaso ng hate crimes
Pinayuhan ang Filipino community sa New York City na manatiling mapagmatyag kasunod ng mga naitatala pa ring kaso ng pag-atake sa ating mga kababayan doon.
Noong nakalipas na linggo lamang ay isang Pinay nurse ang inatake habang namimigay siya ng face mask sa kapwa niya mga pasahero sa subway.
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Philippine Consulate General sa New York, si Potri Ranka Manis, nurse at dance enthusiast, ay nagtamo ng mga pasa sa mukha matapos atakihin ng dalawang lalaki at pinagsisigawan.
Isang Filipino stage actor naman na si Miguel Braganza ang sinalakay ng 2 ring kalalakihan noong August 7 habang pauwi siya sa kaniyang apartment kung saan hinampas umano ito ng baril sa kaniyang noo.
Ayon kay Consul General Elmer Cato, nagulat sila sa mga panibagong atake dahil batay aniya sa anti-Asian American Hate Crime desk ng NYPD, bumaba na ang kaso ng pagsalakay sa mga Pinoy at iba pang Asian doon.
Dahil dito, nanawagan na siya sa New York authorities na aksyunan ang mga pagsalakay sa mga Pinoy doon at tiyaking maaaresto at makukulong ang mga responsable.
Humiling din si Cato ng karagdagang police visibility sa lungsod lalu na sa subway kung saan madalas naitatala ang mga pagsalakay.
Muling umapila si Cato sa Filipino community doon na mag-ingat at maging alerto lalu na’t kung sasakay sa mass transport o tumawag sa 911 o sa Konsulado sakaling makaranas ng kahalintulad na sitwasyon.