Mga Pinoy sa Sudan muling hinimok ng PH embassy na lumikas na
Umaabot na sa 833 Pilipino sa Sudan ang lumikas mula nang ipatupad ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang voluntary repatriation noong Abril ngayon taon bunsod ng kaguluhan doon.
Ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Egypt, nakatanggap ang karamihan ng Pinoy evacuees ng tulong mula sa gobyerno.
Lumikas ang mga ito sa pamamagitan ng Egypt o kaya ay Saudi Arabia mula Port Sudan hanggang Jeddah o Riyadh.
Kaugnay nito, nanawagan muli ang Philippine embassy sa mga Pinoy sa Sudan na agad na umalis na doon.
Inaasikaso na ng embahada ngayong buwan ang repatriation flights mula Port Sudan patungong Cairo at Pilipinas.
Pinayuhan ang mga Pinoy na nais na makasama sa repatriation na kontakin agad ang embahada.
Moira Encina