Mga plano sa job creation at foreign investments, nais marinig ng mga negosyante sa unang SONA ni PBBM
Nais ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na marinig sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga partikular na “deliverables” para sa ekonomiya.
Pangunahin sa hangad ng business group na matalakay ni Marcos sa SONA ang mga ispesipikong detalye ukol sa paglikha ng mga trabaho at paghikayat ng mas maraming foreign investments.
Ayon pa kay PCCI President George Barcelon, sana ay mabanggit ni PBBM sa SONA ang mga plano nito para mapadali ang pag-ooperate ng mga negosyo sa bansa o ease of doing business.
Kaugnay nito, inilatag ng PCCI ang agenda nito na “REACH OUT” na sumusuporta rin sa mga prayoridad ng Pamahalaang Marcos.
Ilan sa mga isinusulong ng grupo ay ang agresibong oil at petroleum exploration, pagpapaunlad sa transportasyon at internet connectivity, long-term plan sa agri sector, at investment sa healthcare system.
Muli namang tiniyak ng PCCI ang suporta nito sa Marcos Government.
Sinabi ng grupo na dapat magkatuwang ang pamahalaan at business community sa pagpapasigla sa ekonomiya.
Moira Encina