Mga pulitiko at publiko, pinaalalahanan ng Malakanyang na mag-ingat parin sa COVID-19 sa pagsisimula ng local campaign kaugnay ng halalan sa Mayo
Umaasa ang Malakanyang na ipagpapauna parin ng mga pulitiko at publiko ang pag-iingat sa kanilang kalusugan laban sa COVID- 19 sa pagsisimula ng kampanya ng mga lokal na kandidato para sa halalan sa Mayo.
Bukas March 25 ay umpisa na ang pangangampanya ng mga lokal na kandidato at dapat sumunod sa mga safety health protocol at guidelines na itinatakda ng Commission on Elections o COMELEC.
Sinabi ni Acting Presidential Spokesman Secretary Martin Andanar kailangang mag-ingat ang lahat sa mga isasagawang political activities kasama ang mga pagdaraos ng mga caravan, rally at in person campaigning.
Inihayag ni Andanar ngayong full blast na ang mga political activities kaugnay ng eleksyon lalong paiigtingin ng pamahalaan ang pagbabakuna laban sa COVID-19 para sa kaligtasan ng lahat ng mamamayan.
Iginiit ni Andanar na target parin ng gobyerno na mabigyan ng anti COVID 19 vaccine ang 90 milyong populasyon ng bansa hanggang June 30 na pagtatapos ng Duterte administration.
Vic Somintac