Mga private complainant sa kasong syndicated Estafa ng NBI laban sa mga opisyal ng Kapa, umurong na sa reklamo
Umusad na ang pagdinig ng Department of Justice (DOJ) sa kasong syndicated estafa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga opisyal ng Kapa community international ministry.
Dumalo sa pagdinig ang ilan sa mga respondents na sina Nonita Urbano, Junnie Apolinario, Nelia Nino, Ma. Pella Sevilla, Jouelyn del Castillo, at ang NBI bilang public complainant.
Hindi naman sumipot sa hearing si Kapa founder Joel Apolinario at iba pang matataas na opisyal ng grupo.
Maging ang tatlong private complainant ay no show din.
Sa halip naghain ang kampo nila ng Affidavit of Desistance para umatras sa kanilang reklamo.
Itinakda naman ng DOJ Panel of Prosecutors ang susunod na hearing sa September 3 sa ganap na alas-10:00 ng umaga para sa pagsusumite ng kontra salaysay ng mga respondents.
Walong bilang ng reklamong syndicated estafa at limang bilang ng reklamong paglabag sa securities regulation code and inihain ng NBI-NCR at tatlong private complainant sa DOJ laban sa mga opisyal ng Kapa.
Ulat ni Moira Encina