Mga Public school sa Makati city, gagamit ng solar power – Mayor Abby Binay
Maglalagay ng mga solar panel sa lahat ng public school ang Pamahalaang Panglungsod ng Makati .
Ayon kay Mayor Abby Binay , bahagi ito ng isinusulong niyang adbokasiya para sa mas luntian, mas malinis, at mas matatag na komunidad.
Sa ginanap na kick-off activity ng Brigada Eskwela sa Comembo Elementary School, sinabi ni Mayor Abby na nais ng Makati na manguna sa paggamit ng renewable energy sa mga pampublikong paaralan at mga opisina ng lokal na pamahalaan.
Aniya, ang paggamit ng mga solar panel ay tiyak na makababawas sa pagkonsumo ng enerhiya at sa gastos, kasabay ng pagpapababa ng greenhouse gas (GHG) emissions sa premier financial district ng bansa.
By batch ang gagawing paglalagay ng solar panels, at ang Comembo Elementary School ang isa sa magiging pilot sites.
Sa kabuuan, mayroong 25 elementary schools, 10 junior high schools, at 8 senior high schools na makikinabang sa paggamit ng mga solar panel.