Mga pulis inatasan na rumesponde sa 911 call sa loob ng 3 minuto
Naglabas ng direktiba si PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil na nag-oobliga sa lahat ng pulis na rumesponde sa 911 emergency call sa loob ng 3 minuto.
Ayon kay Marbil, kailangan na matiyak na nabibigyan ng mabilis na serbisyo ang lahat ng mamamayan ano man ang kanilang estado sa buhay at kung saan sila nakatira.
Ang revitalized 911 hotline ay hindi lang aniya isang technological improvement kundi bahagi ng kanilang misyon na maging ligtas ang bawat komunidad.
Ang 911 system ang ipinalit sa patrol 117, na layong mas pabilisin ang responde at paigtingin ang koordinasyon ng bawat ahensya na may kaugnayan sa pagreponde sa krimen at iba pang sakuna.
Sa harap nito, hinikayat ng heneral ang publiko na maging responsable sa pagamit ng 911 hotline dahil ang pagiging epektibo nito ay nakadepende sa kooperasyon ng bawat mamamayan.
Noong biyernes, una nang nagsagawa ng simulation exercise ang PNP at DILG sa pagresponde sa krimen gamit ang bagong 911 system na ginagamit din sa Amerika.
Sa loob ng 56 na segundo ay naka responde ang mga pulis sa itinawag na holdapan sa isang gasoline station sa Quezon city.
Mar Gabriel