Mga pulis na isinasangkot sa shooting incident sa Pilar, Abra, no show sa pagdinig sa DOJ
Hindi sumipot sa preliminary investigation ng DOJ ang mga pulis na inireklamo ng NBI kaugnay sa shooting incident sa Comelec checkpoint sa Pilar, Abra noong Marso.
Namatay sa insidente si Sandee Boy Bermudo na tauhan ni Pilar, Abra Vice Mayor Jaja Josefina Somera-Disono.
Tanging ang abogado ng mga respondents ang humarap sa pagdinig sa DOJ.
Ayon sa legal counsel ng mga complainant, hiniling ng kampo ng mga respondents na bigyan sila ng hanggang Hunyo 10 para maghain ng kontra-salaysay.
Pinagbigyan naman ng DOJ panel of prosecutors ang hirit ng mga respondents kaya itutuloy ang hearing sa June 10.
Nahaharap sa mga reklamong murder, perjury, at incriminating innocent persons ang mga opisyal at tauhan ng Cordillera at Abra PNP.
Kabilang sa mga inireklamo sina Cordillera Regional Director PBGen. Ronald Lee, PNP Abra Acting Provincial Director PCol. Maly Castillo Cula, at Pilar Municipal Police Station Chief PCpt. Ronald Eslabra, at walong iba pang pulis.
Kinasuhan din ng NBI si Comelec Pilar, Abra Election Officer II Rodrigo Base.
Ayon sa NBI, ipinalabas ng ilang tauhan ng PNP na lehitimo ang Comelec checkpoint at nagkaroon ng car chase at palitan ng putok sa pagitan ng mga pulis at mga pasahero ng puting van kung saan nakasakay ang biktima at mga kasamahan nito.
Moira Encina