Mga pulis na nagprisinta ng pekeng swab test results sa Zamboanga port, nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo
Nahaharap sa mga kasong administratibo at kriminal ang mga pulis mula sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na nagprisinta ng pekeng swab test results habang papasok sa Zamboanga port noong July 5.
Ito’y matapos atasan ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar ang PRO-BAR na sampahan ng kaso ang walong police officers mula sa Isabela at Lamitan, Basilan.
Ayon kay Eleazar, ang mga pulis ay tagapagpatupad ng batas kaya dapat manguna sa pagsunod sa mga quarantine protocol ngayong panahon ng Pandemya.
Kabilang sa mga kasong kahaharapin ng mga nasabing pulis ay ang paglabag sa Section 9, Paragraph B ng Republic Act 11332 o Tampering of records or intentionally providing misinformation o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Dapat ding maging paalala ito sa iba pang police personnel na dapat ay magsilbing halimbawa sa publiko upang respetuhin ng mamamayan.
“Papaano tayo seseryosohin at rerespetuhin ng publiko kung tayo mismo ang hindi sumusunod sa batas? Being a policeman doesn’t mean we are above the law. Hindi tayo exempted sa pagsunod sa batas”. – PNP Chief Gen. Eleazar