Mga pulis na umaabuso sa anti drug campaign hindi kukunsentihin ng Malakanyang
Tiniyak ng Malakanyang na hindi kukonsintehin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na aabuso sa kampanya laban sa ilegal na droga sa bansa.
Ginawa ng Palasyo ang pahayag matapos mapatay ng mga pulis sa Caloocan City ang isang 17 anyos na estudyante sa isinagawang simultaneous anti drug operations sa Metro Manila.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na malinaw ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na susuportahan niya ang pulisya sa pagtupad ng kanilang tungkulin laban sa mga elementong kriminal at drug personalities basta ito ay naayon sa proseso ng batas.
Ayon kay Abella ang mga alagad ng batas na lumalabag at umaabuso sa kanilang kapangyarihan ay mananagot.
Inihayag ni Abella na nagsasagawa na ng kaukulang imbestigasyon ang Internal Affairs ng Philippine National Police o PNP sa anumang naganap na pagmamalabis ng pulisya sa mga isinasagawang anti ilegal drug operations.
Batay sa report mayroong mga reklamo na nagkaroon ng pang-aabuso sa kapangyarihan ang mga police operatives na nagsagawa ng all time big time anti illegal drug operations sa Bulacan, Manila at Caloocan.
Ulat ni: Vic Somintac