Mga rebeldeng NPA nais ni Pangulong Duterte na bigyan ng anti COVID-19 vaccine
Nagpahayag ng pagnanais si Pangulong Rodrigo Duterte na pati ang mga kalaban ng estado na New Peoples Army o NPA ay mabigyan din ng bakuna laban sa COVID-19.
Sa Talk to the People inihayag ng Pangulo na kung may sumobrang bakuna ay ibibigay niya ito sa rebeldeng grupo.
Ayon sa Pangulo uunahin lang ang mga mamamayang dapat na mabakunahan partikular ang mga nasa bulubundukin at nasa malalayong lugar at pagkatapos nito ay magbibigay ang gobyerno ng bakuna sa NPA.
Pakiusap lang ng Pangulo sa grupo ng mga rebelde huwag pigilan at hayaan ang mga nais magpabakuna na makapunta ng mapayapa sa mga vaccination site para mabigyan ang mga ito ng kailangang proteksiyon mula sa coronavirus.
Bahagi din ng panawagan ng Pangulo sa NPA na sumuko na kaakibat ang pangakong bibigyan ang mga ito ng bahay, trabaho at kung walang alam na hanapbuhay ay tutulungan ng gobyerno sa pamamagitan ng TESDA.
Vic Somintac