Mga regulasyon na ipinatutupad ng Bureau of Customs dapat rebisahin na
Inirekomenda ni Iligan City Representative Frederick Siao sa Bureau of Customs na i-review na ang isa sa mga regulasyon nito na posibleng dahilan kung bakit nakakalusot pa rin ang ilegal na droga sa bansa.
Nakasaad sa Section 4.7 ng Customs Memorandum Order 18-2010 na maaari nang palusutin ang kargamento at i-release sa warehouse ng importer o consignee kapag isinailalim na ito sa pre-shipment inspection.
Sa pagdinig ng Kamara ukol sa nakalusot na tone-toneladang basura mula sa South Korea papasok sa Misamis Oriental ay napag-alaman na ginamit ng port collector na pandepensa ang naturang CMO para payagang umusad ang bulk at break bulk cargo.
Ayon kay Siao, marahil ay inaabuso ng smugglers ang probisyon sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa ilang opisyal o empleyado para madoktor ang importation documents.
Dahil dito ay hinimok niya si Customs Commissioner Leonardo Guerrero na i-review na ang regulasyon upang malaman kung nagagamit ito ng smugglers sa mga ilegal na aktibidad.
Sa nabanggit na section ng CMO ay nakasaad na hindi agad maipupuslit ang kargamento kapag may hold order o alert na inilabas at kapag may natanggap na impormasyon ang commissioner o collector na may kaibahan sa idineklara mula sa tunay na laman o classification ng cargo.
Ulat ni Madz Moratillo