Mga rehiyon sa bansa na nalagpasan na ang target population para sa anti COVID-19 vaccination kinilala ng Malakanyang
Nalagpasan ng ilang rehiyon sa bansa ang target population na mabakunahan ng anti COVID-19 vaccine sa nagdaang Bayanihan Bakunahan.
Sinabi ni National Task Force against Covid-19 o NTF Chief Implementer at Vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. nakakataba ng puso ang ginawang pakikipagkaisa ng lahat upang maitaas ang bilang ng mga bakunado sa bansa.
Kabilang sa mga binigyang pagkilala ng NTF ay ang Region 1, National Capital Region o NCR, Cordillera Administrative Region o CAR, Region 4B o MIMAROPA, Region 4A o CALABARZON, Region 2 at Region 5.
Ayon kay Galvez ang Region 9, CARAGA Region, Region 7, Region 3, Region 6 at Region 8 ay nalagpasan naman ang itinakda nilang 70 percent target population na mabakunahan ng anti COVID-19 vaccine.
Inihayag ni Galvez, ang anti COVID-19 mass vaccination program ay ginagawa ng pamahalaan bilang paghahanda sa Omicron variant kasama ang mahigpit na border control at pagsunod sa minimum health standard protocol.
Binigyan diin ni Galvez na hindi titigil ang pamahalaan hangga’t hindi naaabot ang 80 to 90 percent na fully vaccinated ang eligible population sa bansa upang makamit ang inaasam na herd immunity at mawakasan na ang pandemya ng COVID-19.
Vic Somintac