Mga rehiyon sa bansa, prayoridad na mabigyan ng bagong dating na Pfizer Vaccines
Prayoridad ang mga lalawigan sa bagong deliver na Pfizer vaccines na dumating sa bansa kagabi.
Ang kabuuang 862,290 Pfizer doses ay lumapag sa NAIA Terminal 3 lulan ng Air Hongkong flight LD456.
Ayon kay Health Undersecretary Carolina Vidal-Taiño, na isa sa mga sumalubong sa pagdating ng mga bakuna, lahat na mga rehiyon at lugar sa bansa ang makatatanggap na ng Pfizer vaccines dahil maaari nang i-store ang mga bakuna sa 2-8 temperature requirement at tatagal ng hanggang 30 araw.
Ang mga dumating na bakuna ay bahagi ng 1,015,560 doses na binili ng pamahalaan.
Ang 76,050 ng mga bakuna ay nai-deliver na sa Cebu habang ang 77,220 ay dadalhin ngayong araw sa Davao.
Dahil dito, nasa higit 17 milyong doses na ng Pfizer vaccine ang natanggap ng Pilipinas kung saan 3.51 million rito ay binili ng pamahalaan at 10.8 million ay donasyon mula sa Covax.
Panawagan naman ni Assistant Secretary Wilben Mayor, head ng National Task Force (NTF) Against Covid-19 sub-task group on current operations, sa mga lokal na pamahalaan na maging handa sa delivery ng mga ganitong klase ng mga sensitibong bakuna.
Naniniwala si Mayor na maaabot ng bansa ang 100 million vaccine bago matapos ang Oktubre.
Hanggang nitong October 6, ay pumalo na sa 80,415,200 doses ang natanggap ng bansa at nasa 28,988,891 indibidwal ang nabakunahan at 22,402,105 na ang fully vaccinated.