Mga reklamo kaugnay ng ECQ Financial assistance, dumarami
Marami ng reklamo ang natatanggap ng Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa problema sa pamamahagi ng ECQ financial assistance.
Ito ang inihayag ni Usec Martin Diño sa panayam ng Eagle in Action kasabay ng paghikayat sa mga magrereklamo na gumawa ng affidavit kalakip ang mga ebidensya para maisumite ang kaso sa Office of the Ombudsman.
Sinabi ni Diño na hindi lang ang ukol sa problema sa pagkakaloob ng ayuda ang kanilang titingnan kundi maging ang ukol sa pagpapatupad sa social distancing.
May mga Grievance Committee sa mga Distribution center kung saan maaaring mag-file ng complaint.
Nilinaw ng opisyal na hindi ang Barangay ang gumawa ng payroll kung saan nakalagay ang mga pangalan ng mga mabibigyan ng ayuda kundi ang City Treasurer’s Office at Municipal Treasurer’s Office at tao din nila ang nagbibigay Ng financial assistance.
Ang mga taga-Barangay lamang ang tumutulong sa kaayusan sa venue at iba pang pangangailangan lalo na ang pagpapatupad ng social distancing.
Julie Fernando