Mga reklamo ng katiwalian laban sa ilang lokal na opisyal na inendorso ng Task Force Against Corruption, isinasailalim na sa ebalwasyon ng Ombudsman
Inaaksiyunan na ng Office of the Ombudsman ang marami sa mga reklamo ng katiwalian na inihain ng Task Force Against Corruption (TFAC).
Sinabi ni Justice Secretary at TFAC Chair Menardo Guevarra na kabilang sa mga isinasailalim sa ebalwasyon ng Ombudsman ay ang mga reklamo laban sa ilang local government officials.
Partikular na rito ang reklamo laban sa isang alkalde sa Lanao del Norte, ilang opisyal ng Isabela province, municipal officials ng Zamboanga del Norte, mayor sa Batangas, register of deeds sa Leyte at Tarlac, at ang libreng wi-fi project ng Department of Information and Communications Technology- UNDP.
Ayon kay Guevarra, karamihan ng mga reklamo laban sa mga sangkot na opisyal ay bunsod ng pakikialam ng mga ito sa public works projects sa kanilang hurisdiksyon.
Ang Operations Center Secretariat ng task force na nasa DOJ ang tumatanggap at bumubusisi sa mga impormasyon ukol sa kurapsyon sa gobyerno na iniimbestigahan ng TFAC.
Sa oras na makitaan ng task force ng sapat na porma at substansya ang reklamo ay ito ay i-iendorso sa Office of the Ombudsman para sa karagdagang imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso sa korte.
Moira Encina