Mga rekomendasyon ng DOJ vs online sexual exploitations sa kabataan, inaprubahan ng Malacañang
Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na pinagtibay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga rekomendasyon ng Department of Justice (DOJ) para malabanan ang dumaraming kaso sa bansa ng online sexual exploitations sa mga menor de edad ngayong Pandemya.
Ayon kay Guevarra, isa sa mga inaprubahan ng presidente ay ang direktiba sa National Telecommunications Commission (NTC) na patawan ng parusa ang Internet Service Providers (ISPs) dahil sa kabiguan ng mga ito na magampanan ang kanilang tungkulin sa ilalim ng RA 9775 o Anti- Child Pornography Law.
Sa ilalim ng batas, dapat na abisuhan ng ISPs ang PNP o NBI na ginagamit ang kanilang pasilidad para sa child pornography, magpreserba ng mga ebidensya para sa prosekusyon ng kaso, at mag-install ng teknolohiya para i-block ang access sa child pornography.
Pinagtibay din ng Malacañang ang pagpapalabas ng executive order na magpapalakas sa kooperasyon sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), Inter-Agency Council Against Child Pornography (IACACP) at iba pang relevant agencies.
Aprubado rin ang mungkahi ng DOJ na sertipikahang urgent ang mga panukalang batas na nagaamyenda sa Anti- Trafficking in Persons law.
Sa mga nasabing panukala ay gagawing exempted sa Anti- Wiretapping Law ang sexual exploitations sa mga kabataan.
Sinangayunan din ng Palasyo ang rekomendasyon ng DOJ na maragdagan ng pondo at tauhan ang IACAT.
Moira Encina