Mga rekomendasyon ng DOJ sa panukalang bagong water concession agreement, inaprubahan na ni Pangulong Duterte – Justice Secretary Guevarra
Agad na sisimulan ng Department of Justice o DOJ ang pakikipag-negosasyon sa Manila Water at Maynilad kaugnay sa panukalang bagong water concession agreement.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra matapos na aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga rekomendasyon ng DOJ panel na nagrebyu sa water concession contract.
Sinabi ni Guevarra na iprinisinta nila sa Pangulo ang panukalang bagong kontrata na nagtatanggal sa mga onerous o kwestyonableng probisyon sa mga nakaraang kasunduan.
Kasama rin sa rekomendasyon ng review panel ang mga idaragdag na probisyon upang mas maging equitable ang rate setting, transparent, mabawasan ang contingent liability ng pamahalaan, at mapabuti ang governance mechanism sa bagong water contract.
Una nang inatasan ng Pangulo ang DOJ noong 2019 na rebyuhin ang 1997 water concession agreements sa harap ng naranasang krisis sa tubig.
Nakita ng DOJ sa pagbusisi nito sa kontrata na may ilang probisyon sa kontrata na disadvantageous sa mga konsyumer at pamahalaan.
Partikular na rito ang pagbabawal sa pamahalaan na panghimasukan ang pagtatakda ng singil sa tubig ng mga kumpanya at kung makialam ay pagbabayarin ang gobyerno ng kompensasyon.
Moira Encina