Mga religious group hihingan ng tulong ng PNP para sa drug rehabilitation
Ipinangako ni PNP Chief Police Lt. General Rodolfo Azurin na ipagpapatuloy ang anti-illegal drug campaign ng gobyerno.
Sa kaniyang opisyal na pag-upo sa puwesto kahapon, sinabi niyang magiging bahagi ng kampanya ang drug rehabilitation.
Hihingi aniya sila ng tulong sa mga church leader upang mapaunlad ang pakikitungo ng pulisya sa mga komunidad.
Gagawin aniya nilang mabisang katuwang ang bawat komunidad lalo na ang mga lider ng barangay dahil sila ang higit na nakakakilala sa kanilang mga nasasakupan.
Kung kinakailangan aniya ay iparehab ang mga drug affected sa bawat barangay upang magbigay ito ng awareness sa bawat mamamayan.
Hihingan din nila ng tulong ang Philippine Navy, Philippine Coast Guard at Bureau of Customs sa paglaban sa iligal na droga.
Maliban sa pagsuyod sa bawat barangay, magpopokus din ang bagong PNP Chief sa paglilinis sa kanilang hanay.
Kung hindi aniya maipatutupad ng isang police commander ang disiplina sa kaniyang mga tauhan ay irerelieve niya ang buong police station at papalitan ang mga ito.
Matatandaang nauna nang inilunsad ni Azurin ang kaniyang security framework na “malasakit, kaayusan, kapayapaan at kaunlaran” na kombinasyon ng pangangalaga, kaayusan at kapayapaan tungo sa pag-unlad.