Mga residente sa Barangay 183 sa Pasay City, pinaghahanda para sa 3 araw na total lockdown
Pinapaghahanda nan g Barangay Council ang mga residente sa Barangay 183 sa Villamor, Pasay City kaugnay ng pagdedeklara ng total lockdown, mula Abril a-uno hanggang a-tres.
Bunsod ito ng patuloy pa ring pagtaas sa kaso ng COVID-19 sa naturang barangay.
Batay sa napagkasunduan ng konseho, gagawin ang total lockdown para mapigilan ang mabilis na pagkalat ng virus sa kanilang lugar.
Ayon sa tala ng OCTA Research, pangatlo ang barangay 183 sa buong National Capital Region (NCR) sa may pinakamataas na kaso ng COVID-19, hanggang nitong Marso 25, 2021 kung saan nakapagtala ng mahigit sa 200 kumpirmadong kaso ng coronavirus.
Ayon sa konseho, may isang araw pa ang mga residente ng barangay para mamili ng kanilang kakailanganin sa loob ng tatlong araw. Ipasasara kasi ang mga business establishment gaya ng tindahan, talipapa, mga kainan, maging ang mga bangko at supermarket, at sa Abril a-4 pa muling magbubukas.
Samantala, inabisuhan ng barangay ang mga nagtatrabaho na exempted sila sa curfew hours ngunit mahigpit na bilin na kailangang magpakita sila ng employees ID at certificate of employment. Kailangan ding humingi ng work schedule mula sa pinapasukang kompanya, dahil isa ito sa sisiyasatin ng mga kinauukulan sa control point.
Kailangan ding bigyan ng empleyado ng kopya ng kaniyang work schedule ang mga kasama nya sa bahay, upang kung magpapasundo sya sa labas ay ito ang katunayan na kailangang lumabas ng kaniyang kasama sa bahay.
Dagdag pa ng konseho ng barangay, essential workers lamang ang maaaring lumabas ng tahanan, kasama na ang medical frontliners at health workers. Pwede ring lumabas ang may essential needs gaya ng magpapa-check up.
Makalalabas din ng bahay ang isang OFW, returning overseas Filipino at mga personalidad na magtutungo sa paliparan na lalabas ng bansa.
Hinimok din ng barangay council ang mga residente na makiisa at sumunod sa mga ipinatutupad na panuntunan sa kanilang lugar, upang makaiwas sa hawaan.
Ulat ni Jimbo Tejano