Mga residenteng apektado ng bagyong Goring inayudahan ng DSWD
Binigyan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng family food packs ang mga pamilyang naapektuhan ng malakas na pag-ulan dala ng bagyong Goring.
Sinabi ni Secretary Rex Gatchalian na nahatiran na ng family food packs ang mga residenteng nasa evacuation centers sa Cabatuan, Isabela at Luna, Apayao sa pakikipagtulungan ng local government units.
Ayon sa kalihim, nasa 100,000 family food packs ang ipinadala ng DSWD Central office sa Quezon City sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Ilocos at CALABARZON.
Tuluy-tuloy din aniya ang isinasagawang disaster response operations ng ahensya upang ayudahan ang mga apektadong pamilya mula sa pananalasa ng mga bagyong Egay at Falcon.
Vic Somintac