Mga SALN ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na isinumite sa JBC, late nang naihain at tila dinaya- ayon sa OSG

Lumalabas na late inihain at mistulang dinaya pa raw ni Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno ang tatlong Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN na isinumite nito sa Judicial and Bar Council o JBC noong 2012 nang mag-apply sa pagiging Punong Mahistrado.

Ito ang ipinunto ng Office of the Solicitor General sa reply nito sa komento ni Sereno sa Quo warranto petition laban dito.

Tinukoy ni Solicitor General Jose Calida  na ang SALN ni Sereno na may petsang December 31,  1998 ay  inihain lamang noong 2003 o makaraan ng limang taon na lagpas na sa panahon na pinapayagan ng batas.

Bukod sa late na inihain ay ginamit aniya ni Sereno para sa 1998 SALN nito ang prescribed SALN form na para sa mga sumunod na taon.

Maging ang 2009 SALN anya ni Sereno ay huli nito inihain noong June 22, 2012 o tatlong taon na lagpas na sa prescribed period.

Nakasaad din anya sa 2009 SALN ni Sereno na ito ay Associate Justice ng Korte Suprema gayong naitalaga lamang ito sa nasabing posisyon noong August 16, 2010.

Sinabi pa ni Calida na dapat nagsumite si Sereno ng kanyang SALN as of 2006  nang siya ay magresign bilang UP Professor noong Hunyo ng nasabing taon.

Pero sa 2006 SALN ni Sereno anya walang makikitang stamp receipt mula sa UP at nilagdaan lamang noong July 27, 2010 na parehong araw na isinumite ito sa JBC at hindj rin notarized.

Dahil dito, sinabi ni Calida na lumalabas na dinaya ni Sereno ang SALN nito noong 2006 para  isumite sa JBC nang magapply sa pagiging Associate Justice noong 2010.

Giit ni Calida pinapatibay ng mga nasabing gawain ang kawalan ng integridad ni Sereno.

 

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *