Mga sasali sa Covid-19 Vaccine clinical trial, pinaalalahanan na sumunod sa Health protocol
Hindi lahat ng kasali sa mga Clinical Trial para sa Covid-19 vaccine ay makatatanggap ng aktuwal na bakuna.
Ito ang paalala ni Dr. Jaime Montoya, Executive Director ng Philippine Council for Health Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST), kasunod mga gagawing clinical trial sa bansa para sa Covid-19 vaccine.
Paliwanag ni Montoya, ang Clinical Trial ay nahahati sa dalawang grupo.
Ang isa ay bibigyan ng Covid-19 vaccine habang ang isa naman ay placebo lamang.
Pero hindi aniya ipaaalam sa mga participants sa trial kung totoong bakuna o placebo ang kanilang natanggap.
Ito ang dahilan kaya ayon kay Montoya ay mahalaga na lahat ng kasali sa trial ay huwag maging kampante at sumunod parin sa minimum health standards kontra Covid-19.
Nilinaw naman ng opisyal na sa oras na matapos na ang clinical trial at mapatunayang epektibo talaga ang bakuna kontra Covid-19 ay kasama sa benepisyo ng isang participant na mabigyan ng totoong bakuna kung placebo ang ibinigay sa kanya.
Dito sa Pilipinas, kabilang sa mga nabigyan na ng approval ng Food and Drug Administration para magsagawa ng clinical trial ng kanilang bakuna ay ang Sinovac, Clover at Jansen.
Madz Moratillo