Mga sea-based manning agencies, kinuwestyon sa Korte Suprema ang constitutionality ng ilang probisyon ng SSS Law
Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang ibat-ibang sea-based manning agencies para kwestyunin ang constitutionality ng SSS Law o Social Security Act of 2018 dahil sa hindi patas na pagtrato sa kanila sa batas.
Ayon sa mga petitioners, maganda ang intensyon ng batas para sa mga OFWs partikular na ang probisyon sa compulsory coverage sa SSS ng mga OFWs.
Pero iginiit ng mga manning groups na nilalabag nito ang kanilang karapatan sa due process at equal protection.
Ipinunto ng mga petitioners na sa ilalim ng bagong SSS law, tinatrato ang mga sea-based manning agencies bilang mga employers ng mga mga OFW seafarers kahit ang mga foreign shipowners ang talagang employers.
Kinuwestyon din mga manning groups ang ipinapataw sa kanilang joint and several liability, pero hindi ipinapatupad sa mga recruitment agencies na kumukuha ng land-based OFWs.
Gayundin, ang special criminal liability na ipinapataw sa mga managers at owners ng mga manning agencies para sa mga ginawa ng iba laban sa mga OFWs.
Dahil dito, hiniling ng mga petitioner sa Korte Suprema na ideklara nitong labag sa Saligang Batas ang anilay malulupit na probisyon ng SSS law na ipinapataw sa mga manning agencies.
Ulat ni Moira Encina