Mga Senador, dismayado sa pang-iisnab ng ilang Gov’t official sa Senate Investigation
Nadismaya ang mga Senador sa hindi pagdalo ng mga ahensya ng gobyerno sa ipinatawag na pagdinig sa mga panukalang amyendahan ang Saligang Batas.
Kasama sa mga inimbitahan ng Committee on Constitutional Amendments ang mga opisyal ng Department of Energy pero nagpadala lang ng written statement.
Reklamo ni Senador Robin Padilla na Chairman ng Komite, masyadong sensitibo ang usapin ng Charger Change kaya dapat makipagtulungan ang mga tanggapan ng gobyerno para sa pagbalangkas ng mga batas.
Paano aniya magiging balanse kung hindi naman nakuha ang panig ng mga nasa ehekutibo.
Paalala naman nina Senador Ronald bato dela Rosa at Francis Tolentino, dapat igalang ng mga departamento ng gobyerno ang imbitasyon ng Senado bilang co-equal branch nito.
Paalala naman ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel, hindi maaring isnabin ng mga opisyal o tauhan ng mga ahensya ng gobyerno ang imbitasyon ng Senado dahil maaari silang ma-contempt at ipaaresto.
Inihalimbawa ni Pimentel ang pang-iisnab ni Executive Secretary Vic Rodriguez sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee na maaari aniyang aksyunan ng Komite kapag may isang miyembro nito ang naghain ng mosyon na ipa-subpoena.
Plano naman ng Komite ni Padilla na magsagawa ng consultation hearing ukol sa Chacha sa Visayas at Mindanao para alamin din ang pulso ng mga kababayan.
Meanne Corvera