Mga Senador hindi susuportahan ang CHACHA na pinagtibay ng Kamara
Hindi raw interesado ngayon ang mga Senador na suportahan ang panukalang amyendahan ang economic provision ng saligang batas na inaprubahan ng Kamara.
Katunayan, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na wala ito sa agenda ng kanilang LEDAC meeting noong nakaraang araw.
Nangangahulugan ito na hindi kabilang ang CHACHA sa priority legislation ng Senado.
Iginiit naman ng Senador na marami na ngayong tinatalakay na panukala ang Senado na layong i- liberalize ang investment climate sa bansa ng hindi na kinakailangang amiendahan ang saligang batas.
Kabilang na rito ang Public Service Act, Retail Trade Liberalization Act at Foreign Investments Act.
Naniniwala naman si Senator Ping Lacson na hindi uusad sa Senado ang panukalang CHACHA ito’y hanggat hindi nareresolba ang isyu sa paraan ng pagboto ng dalawang kapulungan.
Hindi aniya isyu kung may sapat na panahon para dito kundi ang usapin kung botohan ng hiwalay o magkasama ang kamara at senado.
Sa tingin naman ni Senate president Vicente Sotto III wala na silang sapat na panahon para aksyunan ang nabanggit na panukalang CHACHA.
Hanggang sa susunod na linggo na lamang ang sesyon ng kamara at senado bago ang kanilang halos dalawang buwang break.
Sa huling lingo ng hulyo babalik ang sesyon kasabay ng pagdaraos ng huling sona ng Pangulo.
Meanne Corvera