Mga Senador, kinontra ang resolusyon ng US na humihiling ng pagpapalaya kay Senador Leila de Lima
Kinontra ng mga Senador ang resolusyon ng mga mambabatas sa Estados Unidos na humihiling na tuluyang palayain si Senador Leila de Lima at ibasura ang kaso laban kay Rappler CEO Maria Ressa.
Sa Senate Resolution 1037 na pirmado Senate President Vicente Sotto, Senators Ping Lacson at Gringo Honasan, iginiit ng mga Senador na walang karapatan ang US lawmakers na makialam sa Philippine Judicial process.
Wala anilang karapatan ang mga mambabatas sa Amerika na magdikta o manghimasok sa proseso ng hudikatura at ito’y maituturing na direktang pakikialam sa soberenya ng Pilipinas.
May umiiral aniyang hiwalay na batas ang Pilipinas at hindi nasasakop ng kolonya ng Amerika.
Sa resolusyon, iginiit ng mga Senador na sina De Lima at Ressa ay may access sa patas na hustisya at due process ang Korte at hindi kailangang pairalin ang supremacism sa isang sibilisadong bansa gaya ng Pilipinas anuman ang lahi, kulay o estado sa lipunan.
Ang kaso anila nina De Lima at Ressa ay nakahain na sa Korte at gumugulong na rin ang hustisya.
Ulat ni Meanne Corvera