Mga Senador kumbinsidong may nangyaring cover up sa kaso ni Supt. Marcos
Naniniwala ang mga Senador na may nangyaring cover-up kaya naibalik sa pwesto si Police Superintendent Marvin Marcos at labingwalo pang tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group sa Region 8.
Sa kabila ito ng pagkakasangkot ni Marcos at labingwalo pa nitong
tauhan sa pagpatay kay dating Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senador Panfilo Lacson, nadismaya ang mga Senador dahil sa kabila ng mga ebidensiyang magdidiin kay Marcos, tila nabibigyan pa ito ng proteskyon.
Sa pagdinig, nanindigan ang mga opisyal ng DOJ at NBI na nag-imbestiga sa kaso na murder at hindi homicide ang kanilang inirekomendang kaso laban kay Marcos at mga kasabwat nito.
Pero inako ni Justice Undersecretary Reynanto Orceo ang pag-downgrade sa kaso.
May karapatan siya sa ilalim ng umiiral na memorandum circular ng DOJ na baligtarin o baguhin ang findings batay sa mga ebidensya at hindi na kailangang dumaan sa approval ng kalihim ng DOJ.
Ulat ni: Mean Corvera