Mga Senador kumpiyansa sa liderato ng bagong PNP Chief
Buo ang tiwala ng mga Senador sa magiging liderato ni Police Major Gen. Benjamin Acorda bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, personal niyang nasaksihan ang leadership ni Acorda nang pamunuan nito ang Police Regional Office (PRO) 10 o ang Northern Mindanao.
Sa pamumuno aniya ni Acorda sa Northern Mindanao, bumaba ng 9.40% ang crime rate mula January hanggang June.
Mas naging ligtas at mapayapa ang kanilang lugar nang magsilbi si Acorda bilang regional director ng PRO10 bukod pa sa naibalik ng mamamayan ang kanilang tiwala sa law enforcement agencies.
Katulad ng kanyang ginawa sa Region 10, mas magiging makabuluhan ang pamumuno ni Acorda sa mga pulis sa buong bansa.
Para naman kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa, best choice sa posisyon si Acorda.
Naniniwala si dela Rosa na marahil nagsagawa ng masusing research ang Pangulo dahil magaling si Acorda sa counter intelligence.
Kailangang-kailangan aniya ngayon ang expertise ni Acorda para sa internal cleansing program sa PNP na nasasangkot ngayon sa iba’t ibang kontrobersiya.
Isa aniyang professional si Acorda na hindi nagpapadala sa pressure ng sinumang pulitiko.
Meanne Corvera