Mga Senador nagbunyi sa pagkakapanalo ni Pacquiao
Nagbubunyi ang mga kapwa Senador ni Senador Manny Pacquiao dahil sa pagkapanalo nito sa laban kay Keith Thurman kahapon.
Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na si Pacquiao ang fighter’s fighter, boxing idol at nagpakitang hindi isyu ang edad sa kaniyang determinasyon at fighting spirit.
Sampung taon ang tanda ni Pacquiao kay Thurman.
Ayon naman kina Senador Joel Villanueva at Senador Sonny Angara na nakakalaro ni Pacquiao sa basketball, ipinakita ni Pacquiao sa buong mundo ang lakas, giting at pagiging maginoo ng isang Filipinong atleta.
Pag-uwi ni Pacman, makakatrabaho na ulit ito sa paggawa ng batas na ang laban naman ay sa gutom at kahirapan.
Sinabi naman ng ilang Senador na maliwanag ang panalo ni Pacquiao sa laban kaya hindi sila sang ayon na nagkaroon pa ng split decision ang mga boxing judges.
Isa sa tatlong judges ay nagbigay kay Thurman ng mas mataas na scores.
Sa isang banda, sinabi ni Senate President Sotto na garantisado nang mag- aaprub ulit ang Senado ng resolusyon ng pagkilala kay Pacquiao gaya sa mga nauna nitong panalo.
Puwede aniyang i-donate ni Pacquiao ang bago nitong boxing belt.
Madadagdag iyon kung sakali sa isang championship belt ni Pacquiao na ibinigay niya at naka display sa museum ng Senado.
Ulat ni Meanne Corvera