Mga Senador nagkasundo na bumuo ng dalawang Senior deputy majority floor
Nagkasundo ang mga Senador na bumuo ng posisyon para sa dalawang Senior deputy majority floor leader sa pagbubukas ng Kongreso sa July 25.
Ayon kay Incoming Senate president Juan Miguel Zubiri, ito’y para may makatuwang ang Senate majority leader sa panahon ng mga sesyon.
Si Senador Joel Villanueva na napipisil na magiging Majority leader habang maaaring makatuwang niya si Senator JV Ejercito.
Sinabi ni Zubiri may ilang nagsulong na bumuo rin ng Deputy Senate president pro tempore pero hindi naman ito nakapagkasunduan.
Sinabi ng Senador, hindi ito naging katanggap tanggap sa mga kapwa mambabatas dahil batay sa rules dapat isa lang ang deputy ng Senate president.
Ang Senate president pro tempore ang ikalawa sa pinakamataas na posisyon sa Senado na siyang nagpi- preside sa mga plenary session kapag wala, may ibang appointment o may sakit ang Senate president.
Sa magiging komposisyon ng Senado ngayong 19th Congress, si Senador Loren Legarda ang napipisil na maitalagang Senate pro tempore.
Halos kumpleto na rin ang chairman ng tatlumput siyam na komite sa Senado.
Dalawampu ang inaasahang magiging miyembro ng Majority block habang dalawa sa Minority na sina Senador Koko Pimentel at Risa Hontiveros.
Hanggang ngayon ay wala namang desisyon ang magkapatid na sina Senador Alan Peter at Pia Cayetano kung sasama ba sa Majority block o Minority sa Senado.
Bigo si Senador Alan Peter Cayetano na makuha ang Chairmanship ng Blue Ribbon Committee dahil ayon kay Zubiri naibigay na ito kay Senador Francis Tolentino at tinanggap na rin ng Senador.
Meanne Corvera