Mga Senador, nagpaalala na hindi pwedeng gawing mandatory ang pagbabakuna laban sa COVID- 19
May karapatan pa rin ang sinuman na tumanggi sa bakuna laban sa COVID-19 at ito ay ginagarantyahan ng saligang batas.
Ito ang iginiit ng mga Senador sa utos ng Pangulo na house to house vaccination at ang mungkahi ng Department of Health na gawing mandatory na ang pagtuturok ng bakuna.
Ayon kay Senador Bong Go, sa halip na gawing mandatory ang pagbabakuna dapat kumbinsihin nalang ng pamahalaan ang mga hindi pa nababakunahan na huwag matakot at magpaturok na ng bakuna kasama ang booster shots.
Inulit nito ang mga panawagang magbigay ng insentibo sa mga umaayaw pa at magkaroon pa ng information campaign para hindi mag-alinlangan ang mga tao.
Dapat rin aniya accessible ang mga bakuna para sa bawat isa dahil may sapat naman tayong supply na di dapat masayang lang.
Para naman kay Senator Aquilino Koko Pimentel, hindi umano valid ang ideya ni Secretary Francisco Duque dahil ang COVID-19 vaccines ay experimental pa rin at hindi pwedeng gawing mandatory.
Naayon aniya sa konstitusyon na may karapatan ang bawat tao na mag desisyson kung ano ang ilalagay sa kanilang katawan, magiging unsconstitutional aniya ito at hindi makatarungan kapag ipinilit sa tao.
Meanne Corvera