Mga senador nangakong po-protektahan si Sen. dela Rosa sa isyu sa ICC
Pinayuhan ni Senador Francis Tolentino sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na kumalma lang sa harap ng desisyon ng International Criminal Court (ICC) Appeal’s Chamber na ibasura ang petisyon ng Pilipinas na itigil ang imbestigasyon sa war on drugs ng Pilipinas.
Sina Duterte at dela Rosa ang pangunahing kinasuhan ng mga biktima ng umano’y extrajudicial killings sa kampanya kontra illegal drugs.
Pero ayon kay Tolentino, legal counsel din ni dela Rosa, hati ang desisyon ng mga mahistrado ng Appeal’s Chamber at malaking bagay ang dissenting opinion ng mga ito.
“We have divided international community. No single international organization can judge us or can show disrespect because we have the other distinguish members of the ICC siding with us,” paliwanag ni Tolentino.
Tinukoy ng senador ang dissenting opinion nina Presiding Judge Marc Perrin de Brichambaut ng France at Judge Gocha Lordkipanidze ng Georgia na nagsabing walang hurisdiskyon ang ICC sa Pilipinas kaya walang basehan para ipagpatuloy ang pag-i-imbestiga sa kaso.
Malinaw aniya sa section 12 ng Rome Statute na dapat ang isang bansang ini-imbestigahan ay miyembro ng ICC.
Nakasaad rin sa dissenting opinion na dapat nagsimula ang imbestigasyon isang taon bago pa man magkabisa ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute.
March 17, 2019 nang kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute pero September 2021 na nang magsimulang mag-imbestiga ang ICC sa mga kaso ng umano’y pagpatay kaugnay sa war on drugs.
Malabo rin aniyang umusad ang imbestigasyon kung hindi naman makakapasok ang ICC sa Pilipinas.
Sabi ni Tolentino, maaaring gamitin ng Solicitor General ang dissenting opinion ng mga mahistrado para igiit ang karapatan ng Pilipinas.
Pero gaya ni Justice Secretary Crispin Remulla, pinayuhan din ni Tolentino si dela Rosa na umiwas munang bumiyahe sa European countries.
Pagtiyak naman ni dela Rosa hindi sya magtatago at hindi sya hihingi ng proteksyon sa gobyerno
Nanindigan naman ang mga senador na walang karapatan ang ICC na manghimasok sa panloob na usapin ng bansa dahil may umiiral na malakas na justice system sa Pilipinas.
“Our government has a very strong justice system that is working. I don’t think we need international interference. We have our courts of law. We have a strong justice system. I believe we don’t need interference. Our democracy is robust,” pahayag ni Senador Mark Villar.
Sinabi naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kung maglalabas man ng warrant of arrest ang ICC handa nilang protektahan si dela Rosa.
“He will always accorded the protection, otherwise he is proven guilty like ginawa natin kay Trillanes. Unless there is warrant of arrest in a local court. We protect his as such,” paliwanag naman ni Zubiri.
Meanne Corvera