Mga Senador, pinasususpinde muna ang inplementasyon ng TRAIN Law
Umaapila ang mga Senador sa Malacañang na suspindihin muna ang implementasyon ng Train Law partikular na sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa harap ito ng panibagong pagtaas sa presyo ng krudo na pumapalo na ngayon sa mahigit 60 pesos kada litro.
Nababahala si Senador Grace Poe dahil nagresulta na aniya ito ng pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Lalo pa aniyang aaray ang mahihirap dahil sa plano ng Department of Transportation o DOTr na itaas ang singil sa pasahe sa LRT.
Sinabi ni Poe na may probisyon sa Train Law na maaring ipatigil muna ang batas kapag pumalo na sa 80 dollars kada bariles ang presyo ng Petroleum products.
Senador Poe:
“Sana kung pwede pang ipagpaliban ng kaunti, kasi sabay-sabay yung pagtaas ng presyo ng transportasyon at bilihin. Hindi naman siguro nila ikakalugi, siguro pwedeng pag-isipang mabuti ng DOTr. Kasi ganito iyan, 500,000 ng mga kababayan natin ang gumagamit ng LRT, so 500,000 iyan, marami pa sa kanila mga empleyado talaga. So kung tataas ng 25 percent o 30-plus percent ang pamasahe, malaking dagok iyon sa kanila”.
Nagpatawag na si Poe ng pagdinig para alamin ang lawak ng epekto ng pagtaas ng oil products.
Iginiit naman ni Senador Bam Aquino na hindi naman malulugi ang gobyerno kung pansamantalang susupindihin ang tax sa petroleum products.
Marami aniyang maaring pagkunan ng pondo para tugunan ang problema ng mahihirap dulot ng inflation.
Ulat ni Meanne Corvera