Mga Senador posibleng magpatawag ng special session para sa Maharlika Investment Fund bill
Nais ng mga Senador na dumaan pa sa masusing debate ang kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF) bill.
Ito’y kahit may pahayag na ang liderato ng Senado na target nilang pagtibayin ngayong linggo ang panukala matapos itong sertipikahang urgent ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pero ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, marami sa kanyang mga kasamahan ang mayroon pang reserbasyon sa panukala.
Nai-intindihan aniya ng mga Senador ang intensyon ng Malacañang na magpasa ng importanteng lehislasyon pero kailangan rin nilang gawin ang kanilang trabaho na suriing mabuti ang panukala.
Sinabi ng majority leader na may hinahanap pang probisyon ang kaniyang mga kasamahan tulad ng hindi pagdaragdag ng pondo sakaling mapagtibay na ito ng Kongreso.
Nais din aniiyang matiyak ng mga mambabatas na may nakapaloob na sapat na safeguards at hindi magagamit ang anumang pension funds sa maling investment.
Plano ng Senado na palawigin ang sesyon hanggang sa Huwebes pero kung hindi pa rin ma-a-aprubahan ang panukala ikukunsidera nila ang pagpapatawag ng special session.
Meanne Corvera