Mga Senador pumalag sa akusasyon ni PPRD na pang- postura lang ang imbestigasyon ng Senado sa mga kaso ng katiwalian
Pumalag ang mga Senador sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pang postura lang at huwag paniwalaan dahil walang nangyayari sa imbestigasyon ng Senado sa mga kaso ng umano’y katiwalian sa gobyerno.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, padadalhan niya a ng kopya ng committee report ang Pangulo dahil tila nakalimutan nito na nasibak at nakasuhan ang maraming opisyal ng Philhealth dahil sa kanilang imbestigasyon.
Ang resulta rin aniya ng imbestigasyon ng Senado ang isa sa pinagbabatayan ng Ombudsman sa mga ginagawang preliminary investigation.
SP Vicente Sotto:
“Baka nakalimutan niya or misinformed, i will send him the senate report on the committee of the whole investigation on Philhealth. Most of his appointed officers have now pending cases and were removed because of the Senate investigation. As far as I know, the ombudsman usually relies on senate investigations and reports for their preliminary investigations”.
Buwelta naman ni Senador Panfilo Lacson, ang Pangulo ang hindi dapat paniwalaan ng mga Filipino dahil sa pamamagitan ng mga imbestigasyon maraming naipasang batas na napapakinabangan ngayon ng publiko.
Kung may nakalulusot man aniya at hindi nakakasuhang mga opisyal sa pamahalaan ito’y dahil ipinagtatanggol ng Pangulo.
Pasaring ni Lacson, mahirap bang i-memorize na hindi trabaho ng Senado ang magsampa ng demanda kundi tungkulin ng Ehekutibo habang Hudikatura ang kikilos para magpakulong.
Payo pa ni Lacson dapat magbasa aniya ang Pangulo ng Principle ng Separation of Powers at Checks and Balance sa tatlong sangay ng gobyerno bago pakialaman ang trabaho ng Senado.
Meanne Corvera