Mga Senador umaasang bababa ang presyo ng bilihin sa pagbaba rin ng taripa sa basic commodities
Umaasa ang mga Senador na bababa rin ang presyo ng mga bilihin ngayong nagdesisyon ang Malacañang na palawigin ang ipinatutupad na pagbaba ng ipinapataw na taripa sa mga imported na pagkain at iba pang basic commodities.
Kapwa sinabi nina Senator JV Ejercito at Francis Escudero na dahil sa hakbang maaaring bumaba na ang inflation o presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Pero inamin ng mga Senador na pansamantala lang ang solusyong ito at kailangang regular na repasuhin ng gobyerno.
Bagamat may kapangyahihan anila ang Pangulo na magbaba o magtaas ng taripa kapag naka recess ang kongreso, babala ng mga senador maaaring makaapekto ito sa local farmers.
Aminado naman si Senate Minority Leader Aquilino Koko Pimentel na walang pagpipilian ngayon kundi ibaba ang taripa para ibaba rin ang presyo imported na pagkain dahil kapos ang mga local produce.
Mungkahi naman ni Senador Grace Poe, bumalangkas ang gobyero na malinaw na patakaran.
Hindi aniya solusyon ang pagpapababa ng presyo ng taripa dahil sa epekto nito sa mga lokal na produkto.
Isa sa tinukoy ng Senador ang presyo ng baboy na halos hindi naman bumaba kahit bumaba ang taripa sa imported.
Tila nangangahulugan rin aniya ito na aasa na tayo sa mga imported food products sa halip na maging self sufficient.
Iginiit rin ni Senador Joel Villanueva na kailangang aksyunan ng gobyerno ang problema sa agrikultura para sa food security at sustainability at makalikha rin ng trabaho sa mga kapwa Pilipino.
Naghain na ang Senador ng Senate Resolution no 385 para maimbestigahan kung paano masisiguro ang food security at pagpapalakas sa mga batas sa agrikultura at fisheries.
Meanne Corvera