Mga senador walang sama ng loob sa bumabang Senate President Koko Pimentel
Magiging maayos ang transition o pagpapalit ng liderato ng Senado…..
Ito ang tiniyak ni Senate Committee on Economic Affairs Chairman Senator Sherwin Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, may kasunduan na sina Senate President Aquilino “Koko” Pimentel at Senator Tito Sotto kaugnay sa term-sharing kung saan bibigyan ng pagkakataon si Sotto na mamuno sa Senado.
Hindi na aniya bago ang term sharing agreement at maraming beses na umano itong ginagawa.
Wala rin aniyang kinalaman ang Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapalit ng liderato ng Senado.
“Ito talaga ay internal dynamics ng isang independent branch. At hindi po ito bago at hindi ito ngayon lang nangyari , ang mga ganitong collegial body ay napag-uusapan talaga yan. Subukan naman natin yung iba nating kasama na maipakita ang kanilang galing”.
Kasabay nito, pinabulaanan ni Gatchalian na wala silang sama ng loob kay Senator Pimentel dahil naging maganda naman ang pakikitungo ni Pimentel sa kanila at hanga din siya dito lalu na sa pagpapatupad ng batas.
“Si Senator Koko ay isang taong maganda ang ipinakita sa aming mga Senador. Ako mismo ay naging saksi sa kaniyang liderato at maayos at maganda ang kaniyang naging pakikitungo sa bawat isa”.
===============