Mga senior citizen na nasa edad 70 pataas, iminungkahing i-house-to- house vaccine na lamang upang tumaas ang porsiyento ng mga nagpapabakuna
Hindi naniniwala si Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo Ordanes sa ulat ng Department of Health na wala pa sa 10 porsyento ng mga nakatatanda o senior citizen ang nabakunahan na kontra Covid-19.
Ani Ordones, tila taliwas umano ito sa ulat kamakailan ni Vaccine Czar Carlito Galvez na nasa 11 percent na ng mga nakatatanda ang nabakunahan na.
Gayunman, iminungkahi ng mambabatas na dapat pag-aralan din ng gobyerno kung paano mapapabilis ang pagbabakuna sa mga nakatatanda upang maragdagan ang bilang ng mga nagpapabakuna.
Isa aniya sa factor kaya marahil tumatangging magpabakuna ang mga matatanda ay dahil sa haba ng oras ng paghihintay sa vaccination sites.
Tinukoy ni Ordanes ang ilang insidente kung saan higit apat na oras ang pinaghintay ng ilang matatanda sa vaccination sites.
Kulang din aniya sa information dissemination ang gobyerno kaya kailangang ma-educate pa mabuti ang mga nakatatanda tungkol sa kahalagahan ng pagbabakuna upang makaiwas sa malalang karamdaman.
Maliban dito, iminungkahi rin ni Ordones na kung maaari ang mga senior citizen na nasa edad 70 pataas ay i-house-to-house na lamang ang pagbabakuna dahil karamihan sa mga nasa ganitong edad ay hirap nang maglakad at naka-wheelchair na.
Kasabay nito, nanawagan si Ordones sa mga nakatatanda na magpabakuna at, huwag matakot dahil ito ay para sa kanilang proteskyon laban sa Covid-19.
Gumagawa rin aniya sila ng paraan para makapag-ikot-ikot sa mga lalawigan upang kumbinsihin ang mga matatanda na magpabakuna.
Rep. Rodolfo Ordanes:
“Wag silang maniwala sa fake news dahil ang mga bakuna ay karagdagang proteksyon laban sa virus para sa isang malusog na pamayanan. Wag tayo matakot dahil hindi naman tayo bibigyan ng gobyerno kung ito ay makasasama sa atin”.