Mga sesyon ng Korte Suprema suspendido mula Nov. 5-22 dahil sa 2022 Bar Exams
Pinagtibay ng Korte Suprema ang suspensyon ng mga sesyon nito mula Nobyembre 5 hanggang Nobyembre 22 dahil sa 2022 Bar Examinations.
Sa notice ng Supreme Court En Banc, sinabi na ito ay bunsod ng deployment ng maraming court employees na magsisilbing bar personnel at maging ng physical resources ng hukuman sa iba’t ibang local testing centers para sa bar exams.
Sarado naman sa Nobyembre 9 at Nobyembre 16 ang Korte Suprema, lahat ng collegiate courts, at lahat ng first- at second-level courts sa Metro Manila at iba pang lungsod na pagdarausan ng eksaminasyon.
Ayon sa Korte Suprema, ito ay upang maituon ng lahat ng mga bar exams staff ang oras at trabaho nito sa paghahanda at pagsasagawa ng bar exams.
Una nang inanunsiyo ng SC ang 14 na lugar sa NCR, Luzon, Visayas, at Mindanao kung saan matatagpuan ang local testing sites.
Magsisimula ang by batch na venue selection ng bar candidates gamit ang Bar Personal Login Unified System portal sa September 15 hanggang September 19.
Noong Agosto, sumulat si SC Justice at 2022 Bar Chairperson Alfredo Benjamin Caguioa sa Korte Suprema para hilingin na suspendihin ang sesyon nito at isara pansamantala ang mga korte sa mga nabanggit na petsa sa Nobyembre.
Natapos ang aplikasyon para sa mga nais kumuha ng eksaminasyon noong Agosto 15.
Moira Encina