Mga sinasabing ‘sweetheart deals’ ng Meralco sa mga generating companies nito, ipinapawalang-bisa sa Korte Suprema
Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang grupong Bayan Muna para ipawalang-bisa ang sinasabing ‘sweetheart deals’ ng Meralco na pinasok sa mga generating companies nito noong 2016 dahil magdudulot ito ng mas mataas na singil sa kuryente sa susunod na 20 taon.
Sa petisyon na inihain nina Bayan Muna Chairman Neri Colmenares at Representative Carlos Zarate, sinabi na pinayagan ng Energy Regulatory Commission ang Meralco na paikutan ang panuntunan nito sa competitive selection process o CSP para sa pagbili ng kuryente.
Sa ilalim ng mga nasabing rules, kinakailangan na makakuha ang mga power distributors ng hindi bababa sa dalawang offers para sa suplay ng elektrisidad bago i-award ang power supply agreement o PSA upang matiyak ang pinakamura na halaga ng kuryente sa mga consumers.
Pero pinalawig anila ng ERC ang CSP deadline mula November 2015 hanggang April 2016 kaya nakapasok ang Meralco sa pitong power supply agreements sa mga affiliated power generating companies nito na katumbas ng 3,551 megawatts o 90% ng supply nito hanggang sa 20-taong kontrata na nagkakahalaga ng 12.44 billion kada taon sa mga konsyumer.
Kaugnay nito, hiniling ng grupo sa Supreme Court na ipawalang-bisa ang pag-extend ng ERC sa CSP deadlines at ang power supply agreement ng Meralco na hindi dumaaan sa competitive bidding process.
Nais din ng Bayan Muna na magpalabas ang SC ng TRO o injunction para pigilan ang ERC na aksyunan ang Joint Applications na inihain ng Meralco at ng mga generating companies nito.
Nais din ng grupo na payagan silang makapag-intervene sa kasong orihinal na inihain ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, Inc. noong 2017.
Bukod sa Meralco, respondents sa petisyon ang ERC, Department of Energy, Philippine Competition Commission at pitong generation companies.
Ulat ni Moira Encina