Mga sinehan, puwede nang magbukas
Matapos isailalim sa Alert level 3 ang National Capital Region (NCR), ay maaari na ring magbukas ang mga sinehan.
Gayunman, ipinaalala ng Dept. of Interior and Local Government (DILG) na bawal pa rin ang panonood nang magkatabi.
Kaugnay nito, limitado ang magiging kapasidad kung saan 30% lamang ang papayagang makapasok sa mga sinehan, at dapat ay fully vaccinated na ang mga ito.
Sinabi ni DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, na marami ang natuwa sa muling pagbubukas ng mga sinehan laluna ang cinema operators na nalugi ng malaki mula nang magsara at mahinto ang operasyon dahil sa pandemya.
Bago ito ay nagtakda na ng protocols ang Cinema Exhibitor Association of the Philippines (CEAP), para matiyak na magiging ligtas ang muling pagbubukas ng mga sinehan, dahil may pandemya pa rin sa bansa.
Ilan sa nabanggit na protocols ay ang sumusunod:
1. Dapat ay one-seat apart ang pagitan ng mga manonood
2. Dapat ay nakasuot ng face mask
3. Bawal ang magdala ng pagkain sa loob ng sinehan
Paiiralin din ng mga tauhan ng sinehan ang minimum health protocols, tulad ng malimit na paghuhugas ng mga kamay.
Ayon sa CEAP, mula nang matigil ang operasyon ng mga sinehan noong March 2020 bunsod ng pandemya, tinatayang aabot na sa 21 bilyong piso ang nalugi sa kanila.