Mga suki ng Grab at Uber, inaasahang pahirapan na magpa-book simula sa Hulyo 26
Libu libong Grab at Uber na walang prangkisa ay pagbabawalan ng bumiyahe ng Land Transporatation Franchising and Regulatory Board.
Sa tala ng LTFRB, umaabot sa mahigit 56,000 drivers ang namamasada gamit ang Grab o Uber o ang tinatawag na Transport Network Vehicle Service drivers.
Ayon sa LTFRB, 3,700 lang ang TNVs drivers ang may certificate of public convenience o prangkisa para mamasada.
Nakasaad sa batas na kung walang prangkisa, wala ring karapatang pumasada dahil maituturing na colorum ang namamasada at pwede itong hulihin.
Dahil dito, inaasahang simula sa Hulyo 26, hihigpitan na ng LTFRB ang mga TNVs drivers.
Samantala, naghain ng petisyon ang grupo ng TNVs drivers laban sa desisyon ng LTFRB.
Ayon sa kanila, ginawa naman nila ang kanilang parte ngunit naiwang nakatengga sa ahensiya ang kanilang mga aplikasyon.
Buwelta naman ni LTFRB Board Member Aileen Lizada, kulang na kulang ang requirements na ipinasa ng ilang nag apply para sa prangkisa kaya hindi ito naaprubahan.