Mga swimming instructors ng namatay na kadete na si Mario Telan Jr., irerekomendang makasuhan sakaling mapatunayang may kapabayaan
Pagkalunod o drowning ang ikinamatay ni Cadet 4th Class Mario Telan Jr.
Ito ang lumabas sa autopsy report na isinagawa ng Baguio City Police Office (BCPO) sa nasabing kadete.
Ayon kay BCPO Acting City Director Col. Allan Rae Co, wala silang nakitang external marks ng injury na nakukuha mula sa pagmamaltrato o anumang pisikal na pananakit kay Telan.
Aniya, ang tinitingnan na lamang nila ngayon ay ang naging kapabayaan ng mga instructors ng PMA.
Palaisipan anya sa kanila kung bakit pinayagan pa ng mga instructors na magpatuloy sa kritikal na bahagi ng swimming training si Telan kung bumagsak umano ito sa unang bahagi ng pagsasanay.
Maliban dito, kwestyonable rin sa kanila kung bakit dinala pa sa pinakamalalim na bahagi ng swimming pool si Telan nang walang nakasubaybay sa instructor.
Kapag napatunayang may kapabayaan, irerekomenda nilang makasuhan ng Reckless Imprudence resulting to Homicide ang mga swimming instructors ng batang kadete.
“Makikita natin sa video yung dalawang instructors, yung isa nasa kabilang side, it’s either naglalaro or merong ka-text habang yung isa naman ay nandun malapit sa area nila pero hindi closely supervised dahil kung ilan yung tumalon papasok ay hindi yun ang umahon. So dapat kita na dapat agad na kulang ang mga kadeteng umahon. Kung nagawa sana ang mga security protocols ay hidi sana nangyari ang tragic incident na ito”.