Mga tagasuporta ni dating Senador Bongbong Marcos, nagrally sa Supreme Court sa Baguio City para ipanawagang desisyunan na ang Electoral protest nito
Muling kinalampag ng kampo ni dating Senador Bongbong Marcos ang Korte Suprema para resolbahin na ang electoral protest nito laban kay Vice-President Leni Robredo.
Partikular na nagtipun-tipon sa labas ng Supreme Court sa Baguio City ang grupong Marcos Pa Rin Loyalists at iba pang mga Marcos supporters.
Sinabi ni Robin Coteng, organizer ng grupo, na magta- tatlong taon na ang protesta ay wala pa ring desisyon dito ang Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal.
Umaasa sila na matatalakay sa Summer En Banc Session ng Supreme Court ang electoral protest ni Marcos.
Naniniwala sila na papabor kay Marcos ang manual recount ng mga boto para sa pagka-bise presidente.
June 29, 2016 nang ihain ng kampo ni Marcos ang poll protest para kwestyunin ang resulta ng botohan sa vice presidential race.
Ayon sa PET, kapag natapos na ang recount o revision, ang susunod naman ay ang appreciation ng mga balota.
Sa appreciation stage ay pagpapasyahan ng PET ang lahat ng objection at claims ng mga partido.
Ang revision at appreciation proceedings ay parte ng inisyal na determinasyon ng PET kung mayroon bang batayan ang protesta.
Sa ilalim ng Rule 65 ng 2010 PET Rules, kapag matapos suriin ang mga balota at makitang malaki ang posibilidad na mabibigo ang protestant sa kaso ay ibabasura ng Tribunal ang poll protest nito.
Ulat ni Moira Encina