Mga tagasuporta ni VP Robredo umapela sa Korte Suprema na ikonsidera ang 25% threshold na shading sa balota sa manual recount sa Poll protest ni dating Senador Marcos
Umapela sa Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal ang mga tagasuporta ni Vice-President Leni Robredo na ikonsidera nito ang 25% threshold na shading sa balota sa isinasagawang manual recount sa 2016 Vice -Presidential elections.
Sa liham na ipinadala ng mga supporters ni Robredo, hiniling nila na pag-aralan muli ng PET ang desisyon nito na nagbabasura sa mosyon ng Bise presidente na ibaba sa 25% ang threshold percentage sa manu-manong botohan.
Katwiran nila ginamit ng Comelec ang 25% threshold sa pagbilang ng boto noong may 2016 elections.
Tinukoy pa nila na mawawalang saysay din ang boto nila kay Robredo na dati nang nabilang.
Kalakip ng liham ang nakalap na 10,000 lagda ng mga supporters ni Robredo na pabor sa hirit ng Bise Presidente.
Samantala, nagtungo naman sa Supreme Court si dating Senador Bongbong Marcos para bisitahin ang kanyang mga revisors sa recount at gunitain ang ikalawang taon matapos ang 2016 elections
Sinabi ni Marcos na nababagalan siya takbo ng recount.
Ayon kay marcos, masyado nang matagal ang dalawang taon na paghihintay sa tunay na resulta ng eleksyon.
Umaasa siya na makakahanap sila ng paraan para mapabilis ang bilangan.
Ulat ni Moira Encina