Mga tanggapan sa SC, bukas pero limitado pa rin ang operasyon sa ilalim ng GCQ Alert Level 4
Limitado pa rin ang bilang ng mga empleyado na pisikal na papasok sa mga tanggapan ng Korte Suprema ngayong nasa GCQ Alert Level 4 ang NCR.
Sa memorandum order na inisyu ni Chief Justice Alexander Gesmundo, sinabi na pisikal na bukas ang mgs opisina sa Supreme Court pero ang mga absolute essential staff lamang na hindi lalagpas sa 15% ang pinapayagan na magreport sa mga tanggapan.
Partikular na sa OCC-En Banc at Divisions, JRO, FMBO, OAS SC, FMO-OCA, OAS-OCA, Docket and Clearance Divisions ng JIB at Legal Office-OCA, Financial Divisions ng PHILJA, PMCO, OHJ at Internal Audit, SCHWP.
Pinapahintulutan naman na hanggang 30% ang pisikal na pumasok na kawani sa Office of the Bar Confidant,Medical and Dental Services, Security Division, at Maintenance Division.
Ang mga empleyado na pisikal na papasok ng rotational basis ay kailangang determinahin ng mga hepe ng tanggapan.
Dapat din na masuri nang mabuti ang lagay ng kalusugan ng mga kawani bago makapasok sa SC premises at wala silang anumang sintomas ng COVID-19.
Kung sakaling ang mga nakatalagang pumasok ay naninirahan sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown o critical zone, sila ay papalitan ng mga staff na nasa lower alert levels.
Ang natitirang court personnel ay work-from-home at pinapayuhan na huwag lumabas ng tahanan maliban sa extremely urgent necessities.
Patuloy din na ipatutupad sa SC ang “no personal filing policy” sa ilalim ng GCQ Alert Level 4.
Moira Encina