Mga tatakbo sa pagka-kongresista sa NCR, naghain na ng COC
Bago mag-alas otso kaninang umaga ay nagsikip na ang daloy ng trapiko sa Boni Serano Avenue, Barangay Greenhills, San Juan City na kinaroroonan ng tanggapan ng Commission on Elections o COMELEC National Capital Region o NCR, dahil sa pagdagsa ng mga tagasuporta ng mga kandidato sa pagka-kongresista.
Sinabi ni Atty. Jovencio Balanquit, Asst. Regional Director ng COMELEC-NCR, na naging maayos ang pagbubukas ng unang araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy o COC para sa 35 Congressional District ng NCR.
Unang naghain ng kaniyang COC si Manila Councilor Joey Uy na tatakbong kongresista sa 6th District ng Maynila, sumunod si Congresswoman Mith Cajayon Uy, na tatakbo bilang re-electionist sa 2nd District ng lungsod ng Caloocan at si Jose Jaime Ruazol na tatakbong independent congressman sa 2nd District ng Marikina.
Inihayag ni Atty. Balanquit, na inaasahang mahigit 200 sa congressional position ang inaasahang maghahain ng COC hanggang sa huling araw ng filing sa October 8 ng taong kasalukuyan.
Vic Somintac